Sinampahan ng tatlong kaso ng attempted murder at reckless imprudence resulting to physical injuries ang pulis-Navotas na nakasugat ng pitong katao matapos na magpaputok ng baril noong bisperas ng Pasko sa isang lamay sa Caloocan City.

Bukod sa mga nabanggit na asunto, mahaharap din sa kasong administratibo si PO1 Danilo Tiempo na kasalukuyang nakakulong sa Caloocan City Police Station.

Ayon kay Caloocan City Police deputy chief for administration Supt. Ferdinand Del Rosario, apat lamang mula sa pitong nabiktima ni Tiempo ang nagsampa ng kasong kriminal laban sa kanya habang ang tatlo pa ay hindi na umano interesadong maghain ng kaso.

Walang habas na nagpaputok ng baril si Tiempo kung saan tinamaan ng bala ang pitong biktima na noo’y nasa isang lamay sa kanilang lugar sa Brgy. 28, Caloocan City matapos umanong dumating sa kanilang bahay ang kanilang ama na duguan dahil pinagtulungang gulpihin ng mga adik sa lugar.

Samantala, tinutugis pa ng pulisya ang kanyang kapatid na kinilalang si Roland Tiempo na napag-alaman na kasama umano niya nang mangyari ang insidente pero hindi pa malinaw kung nagpapu­tok din ito ng baril.

Nakarekober ang mga imbestigador ng pulisya sa pinangyarihan insidente ng tatlong basyo ng bala ng kalibre .45 at tatlong basyo ng bala ng kalibre 9mm. (Cherk Balagtas)