Inanunsyo nitong Linggo ni Navotas City Mayor Toby Tiangco na magpapatupad sila ng extreme enhanced community quarantine (EECQ) sa kanilang lungsod simula alas-singko ng umaga sa Miyerkoles, Mayo 6, hanggang alas-11:59 ng gabi sa Mayo 15.
Sa kanyang Facebook page nitong Linggo, Mayo 3, ipinaliwanag ng alkalde na ito’y dahil na rin sa patuloy na pagdami ng mga COVID-19 positive sa Navotas.
“Bakit kailangan ang EECQ? Dalawang beses na pong na-extend ang ECQ, noong April 30 at ngayong May 15. Dapat sa loob ng panahong ito, napababa na natin ang bilang ng nagpopositibo sa COVID-19. Subalit magpahanggang ngayon, patuloy na dumadami ang COVID-19 positive sa ating lungsod. Karamihan sa mga pasyente ay namalengke o nag-grocery,” sabi ni Tiangco.
Kung kaya’t kinakailangan na aniyang magsagawa sila ng matinding aksyon para matigil ang pagdami ng kaso ng COVID sa kungsod.
“ Ito lamang ang paraan para makapamuhay tayo sa “new normal” sa ilalim ng General Community Quarantine at maiwasan natin ang panganib ng pagdami muli ng mga nagkakasakit sa COVID-19,” sabi ng alkalde.
Narito pa ang mensahe ni Tiangco kung paano isasagawa ang EECQ sa Navotas:
Sa EECQ, ang mga residente sa bawat barangay ay may nakatakdang araw lamang para lumabas ng bahay at mamalengke o mamili ng groceries, gamot at iba pang pangangailangan. Tanging mga may hawak ng home quarantine pass lamang ang pwedeng lumabas. Dapat sila rin ay may suot na mask na natatakpan ang ilong at bibig.
Ito po ang schedule ng paglabas:
* Monday, Wednesday, Friday (MWF): SRV, NBBS Kaunlaran, Bangkulasi, BBS, Navotas East, Sipac-Almacen, Daanghari, Tangos North, at Tanza 1
* Tuesday, Thursday, Saturday (TThS): NBBS Proper, NBBS Dagat-Dagatan, NBBN, BBN, Navotas West, San Jose, San Roque, Tangos South, at Tanza 2
Lockdown o walang maaaring lumabas kapag Linggo. Ito po ay araw ng paglilinis at disinfection ng mga palengke.
Lahat ng mga palengke, talipapa at grocery store ay bukas pa rin Lunes hanggang Sabado, mula alas-singko ng madaling-araw hanggang alas-otso ng gabi.
Mananatiling bukas ang mga drugstore o parmasya sa Linggo, Mayo 10, para lamang magbenta ng emergency medicine. Walang itong ibibentang ibang produkto maliban sa gamot.
Ipinatutupad pa rin ang liquor ban.
Hindi sakop ng EECQ ang mga frontliner, mga essential worker o mga manggagawa/industriyang awtorisado ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases.