Navy exec patay sa salpok ng bus

Navy exec patay sa salpok ng bus

Patay ang isang opis­yal ng Philippine Navy matapos sumalpok ang sinasakyan nitong kotse sa kasalubong na pampasaherong bus, Lunes nang gabi sa kahabaan ng National highway sakop ng bayan ng San Antonio, Zambales.

Idineklarang dead-on-arrival sa San Marcelino District Hospital sanhi ng tinamong grabeng pinsala sa ulo at katawan si Navy Private First Class Joseph Bill Ignacio, 26, nakabase sa Naval Educational Training and Doctrine sa nabatid na bayan.

Samantala arestado naman ang suspek na si Joseph Menor, 36, drayber ng Victory Liner bus na nakasalpukan ng sasakyan ng biktima.

Sa ulat ni P/Cpt. Marvin Domacena, hepe ng San Antonio Municipal Police Station (MPS), naganap ang insidente pasado alas-10:00 nang gabi sa National highway sakop ng Brgy. Antipolo ng nabatid na bayan.

Lulan ng pulang Kia Pride Sedan na may plakang THL-617 ang biktima na bumibiyahe papuntang timog nang bigla itong lumipat sa kaliwang parte ng kalsada at kainin ang kabilang linya.

Eksakto namang paparating ang Victory liner bus na minamaneho ng suspek dahilan upang sumalpok ang kotse sa kaliwang bumper ng bus.

Sa lakas ng salpukan ay parang piniping lata ang sasakyan ng biktima.
Sinubukan pang isugod sa nasabing pagamutan ang biktima subalit hindi na ito umabot pa ng buhay.

Sinampahan naman ng kasong reckless imprudence resulting to homicide and damage to property ang suspek na ngayon ay nakapiit sa San Antonio MPS detention cell. (Edwin Balasa)