Navy sa hit-and-run nalambat

Swak sa kulungan ang isang miyembro ng Philippine Navy (PN) matapos makabanggaan ang isang tricycle na kanyang tinakasan sa General Mariano Alvarez (GMA), Cavite.

Ginagamot ngayon sa GMA Carsigma Hospital ang biktimang si Abdon Bentoy Jr., 40, may-asawa ng Phase 3 Brgy., Melagrosa, Carmona, Cavite at pasahero nitong si Marielle Ann Prado, ng Phase 2 Alta Tiera Homes, Brgy. Olaes, GMA, Cavite matapos banggain ng sasakyan ng suspek na si SN1 Jose Rilly Avestruz, 41, nakatalaga sa Fort san Felipe, Cavite City at residente ng Block 12 Lot 12 phase 4B Casa De Monteverde, Brgy. F. De Castro, GMA, Cavite.

Sa report ni PMSg. Jonarey Visca, ng GMA Municipal Police Station, alas-12:30 kahapon ng madaling-araw nang naganap ang insidente sa kahabaan ng Congressional Road sakop ng Brgy. F Reyes, GMA, Cavite.

Minamaneho ng biktima ang kanyang tricycle sakay si Prado habang binabagtas ang South direction ng Congressional Road samantalang patungo naman sa North direction si Avestruz habang minamaneho ang kanyang Toyota Vios (may plakang AEA 3049) nang pagsapit sa isang palikong bahagi ay nabangga nito ang tricycle.

Imbes na tumigil at isugod sa ospital ang da­lawa ay tinakasan nito ang nabangga subalit tinugis siya ng nagpapatrulya sa lugar hanggang sa maabutan.

Sa pagkakaaresto sa suspek ay nalamang nakainom ito. (Gene ­Adsuara)