Nawala sa hulog ang SEAG hosting

Sabog na ang hosting ng Pilipinas sa Southeast Asian Games (SEAG).

Nagsimula ito sa pagkuwestyon sa magarbong mga kakailanganin sa event partikular ang halos P50 milyong cauldron o ang tinaguriang ‘gintong kaldero’ ni Sen. Franklin Drilon na sinuportahan naman ng mga netizen.

Nakakalungkot ang kinahinatnan ng paghahanda ng Pilipinas sa SEA Games dahil kasunod ng batikos na inabot sa cauldron ay tila nanganak na ang kontrobersiya.

Ito ay matapos pumalpak ang mga inorganisang komite na ma­ngangasiwa sa pag-estima sa mga de­legadong kalahok sa SEA Games.

Nariyan ang reklamo ng koponan mula Thailand at East Timor na hindi nangiming ipangalandakan ang kanilang mga hinaing bagama’t nasa Pilipinas sila.

Sobrang nakakahiya na ang mga pangyayaring ito kaya dapat nang aksyunan ng mga kinauukulang nakatoka sa mga trabahong ito.

Hindi naman panga­lan ng mga namumuno sa SEA Games ang wasak sa buong mundo kundi ang Pilipinas mismo.

Habang may panahon pa, ayusin na ang gusot para naman huwag ta­yong magmukhang kahiya-hiya sa mga bansang nakamasid sa pagho-host natin sa SEA Games.

Panawagan lang para huwag nang maulit ang ganitong kaeskandalosong aktibidad, hindi na dapat sumasawsaw ang mga politiko, ibigay ang panga­ngasiwa sa mga taga-sports.

Tumutok na lang ang mga politiko sa pagbubusisi sakaling may palsong nagawa ang mga tagapamahala ng aktibidad nang sa gayon ay hindi ang gobyerno sa kabuuan ang nakakalantari sa kapalpakan.