Mayroong Konstitusyon na sinasandalan ng kapangyarihan ng bawat sangay ng gobyerno.

Sa ilalim ng umiiral – at dapat ay sinusunod ng lahat – na Saligang Batas, tatlong magkakapantay na sangay ng gobyerno ang namamahala dapat sa bansa.

Bagama’t ang pinakamataas na opisyal ng bansa ay ang halal na pangulo, hindi inilalagay sa kamay nito ang buong kapangyarihan na solong magpasya at mamuno sa bansa.

Sa Saligang Batas, sinadyang ipantay ang kapangyarihan ng ehekutibo (executive branch na pinamumunuan ng presidente) sa kapangyarihan ng lehislatibo (dala­wang kapulungan ng Kongreso) at ng hudikatura (judiciary na ang Korte Suprema naman ang nasa tuktok).

Bakit? Para magkaroon ng ‘check and balance.’ Balanse dapat para maiwasan ang pag-abuso ng isang sangay o ng isang tao sa kapangyarihan.

Ang tanging layunin nito ay upang maprotektahan sa lahat ng oras at lahat ng sitwasyon ang interes ng bansa at ng mga mamamayan nito.

Sa kasalukuyang sitwasyon, tila nawawala ang balanse sa kapangyarihan ng tatlong magkakapantay na sangay at tagapamahala ng gobyerno.

Sa pagtingin ng publiko, tila ba ipinaubaya at isinuko na ng Kongreso at Korte Suprema ang kanilang kapangyarihan sa Malacañang.

Ang tanong: boses pa ba ng taumbayan ang mga hakbang, desisyon at polisiyang ipinatutupad ng ehekutibo?

Nasaan na ang ‘check and balance’ sa kapangyarihan sa gobyerno ng Pilipinas?