Napapanahon ang tema ng Ebanghelyo (Lc 4:1-13) tungkol sa tukso ngayong nagha­handa ang bansa para sa nalalapit na eleksiyon. Sadyang nawawala kasi ang moralidad ng ilang kandidatong nagnanais magkaroon o manatili puwesto tuwing panahon ng pangangampanya!

Sapul na sapul ang mga tumatakbo dahil lamang sa materyal na seguridad at popularidad sa babala ng Panginoon tungkol sa tukso ng kayamanan at kapangyarihan. Bilang mga Kristiyano, inaasahan tayo na tularan si He­suKristo at maging tapat sa kalooban ng Ama sa lahat ng oras.

Sa disyerto sa loob ng apatnaputng araw, humarap si Hesus sa tatlong tukso ng demonyo: Ang udyok na tugunan ang sariling pangangailangan, ang paanyaya sa pagkakamit ng kapangyarihan at ang hamon ng pagkakaroon ng popularidad o kasikatan sa anumang paraan.

Hindi lamang mga kandidato at tuwing eleksiyon; tayong lahat ay nahaharap sa mga nabanggit na buyo ng diyablo araw-araw! Isang ‘spiritual warfare’ laban sa tukso ang buhay sa mundo. Gayunman, “inako ni Hesus ang lahat para sa ating tagumpay,” giit ni San Agustin.

Last ng tao ay natutukso tulad ni Hesus. Dapat din nating paglabanan ang tukso ng ginto, kapangyarihan at popularidad nga­yong marami ang inu­una ang materyal na seguridad kaysa Diyos. Maging kalusugan ay napapabayaan natin minsan. At laganap ang korupsyon sa ating bansa dahil marami ang magpagsamantala sa posisiyon!

Ngayong panahon, ang ibig sabihin ng ‘magandang buhay’ ay mayaman at ‘magandang trabaho’ ay mataas na suweldo. Maging mga Katoliko ‘cerrado’ sa bansa ay hindi nag-aatubiling mandaya at manira ng kapwa. Kahit ngayon, marami pa rin na nasa puwesto ang tumatanaw ng ‘utang na loob’ sa kanilang mga benefactor.

Nakakalungkot na gagawin ng ilan ang lahat makamit lang ang panalo — maging ang magsinungaling at pumatay! Prinsipyo pa nila: “Hindi bale kung masama ang sinasabi basta manalo.” Basta’t sikat at mataas ang ra­ting sa survey OK!? Ganito na ba ka-despe­rado ang mga ‘Pinoy? Hating-hati ang basa.

Parte ng buhay ang tukso. Ang matukso ‘per se’ ay hindi kasalanan, ng ‘bumigay’ sa tukso, oo. Nakakagulat na marami sa atin ngayon ang wala nang pakialam, higit sa lahat tungkol sa tama at mali, kaya maraming abusadong politiko sa Pilipinas ay dahil napakaraming kunsintidor! Kahit mga ‘bad jokes’ ngayon ay pinapalakpakan.

Paanyaya ang Mabu­ting Balita ngayong U­nang Linggo ng Kuwaresma sa tanan upang magpapkatotoo at ma­ging tapat sa standard ni HesuKristo. Simple lang ang pamantayan ng Panginoon: Kung ayon sa kalooban ng Ama, go, at kung hindi, stop- kahit na ito ang uso o pupular sa mga tao.

Bilang mga Katoliko at pangunahig bansang Kristiyano sa Asya kailangan nating isabuhay ang “Rule of Indiffe­rence” na nagsasabing tayo ay nasa mundo para kilalanin, mahalin at paglingkuran ang Diyos upang makamit ang kaligayahan. Anumang hadlang sa pagkamit ng nito ay dapat iwasan sapagkat hindi naghahayag ng ating pagiging malaya.