Nawawalang mga bata sa Pasay konektado sa droga

Kinumpirma kahapon ng Pasay City Police na ang pitong sinasabing nawawalang kabataan sa lungsod ay pawang sangkot umano sa droga at sa iba pang kaso.

Ayon kay Police Col. Bernard Yang, hepe ng Pasay City Police, sa pulong balitaan kahapon sa National Capital Region Police (NCRPO) satellite sa Quezon City Police Station 10 sa Quezon City, ang pito sa 10 sunod-sunod na napaulat na nawawalang mga kabataan na may edad na 15-22 ay pawan­g konektado umano sa illegal drugs at iba pang kaso.

“Posibleng nagka-onsehan sa droga ang mga biktima kaya’t ito ay dinukot ng hindi pa nakikilalang mga salarin na isinakay sa isang Hi-ace van na kulay puti,” ani Police Col. Yang.

Nauna nang ini-report ng Pasay City Police na ang pitong kabataan na nawawala ay mga missing person lamang. Ito’y matapos na lumutang sa kanilang tanggapan ang mga magulang at nagbigay ng pahayag sa pagkawala ng kani-kanilang mga anak.

Sinabi ni Yang na sa natanggap nila ngayong impormasyon hinggil sa pagkakasangkot umano sa droga ng mga nawawalang kabataan ay patuloy silang magsasagawa ng masusing imbestigasyon.

“Pito lamang po ang nag-confirm na nawawalang kabataan dito sa lungsod, ito po ay sinasabing sangkot sa droga at ngayon po ay nagsasagawa na kami ng imbestigasyon” ani ni Yang. (Armida Rico)