Nawawalang vice mayor natunton na

Natagpuan na kahapon ang nawawalang si Tinoc, Ifugao Vice Mayor Fernando W. Gapuz na naiulat na nawawala mula pa noong Hulyo 19 sa Barangay Impugong, Ifugao, ayon sa Ifugao Philippine National Police.

Sa nakarating na ulat kay Police Regional Office-Cordillera regional director P/Brig. Gen. Ismael Efraim Dickson mula sa Ifugao Police Regional Office, ang mismong pamilya ng bise alkalde ang nakahanap sa opisyal.

Ayon kay Dickson, walang ibinigay na detalye ang mga kaanak kung paano natunton si Gapuz na halos dalawang linggong nawawala.

Bago makita ang vice mayor, siya ay huling namataan na sumakay ng bus at nakasuot ng black leather jacket, brown na sandals, brown na pantalon at dark yellow na alampay.

Sa ngayon ay nasa pamilya na niya ang bise-alkalde at nakatakdang hingan ng official statement ng mga pulis hinggil sa kanyang pagkakawala. (Allan Bergonia)