Nazareno bantay sarado ng pulis sa prusisyon

Mahigpit na seguridad ang ilalatag ng ­National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa thanksgiving procession ng Poong Itim na Nazareno na gaganapin ngayong Lunes nang hapon.

Ayon kay NCRPO acting director Brig. Gen. ­Debold Sinas, kanilang ipatutupad ang ­security plan na ginamit para sa Sinulog Festival na ­ipinagdiriwang tuwing ikatlong Linggo ng Enero para sa patron saint ng Cebu na si Sto. Niño.

Aniya, sa bagong security plan para sa thanksgiving procession ng Poong Nazareno ay iiksian ang aktibidad para makuha ang target na anim na oras sa halip na 10 oras ng prusisyon.

“The longer the time that we consume in the ­procession, the more it is susceptible to threats,” paliwanag ng heneral.

Isang patrol car aniya ang mangunguna sa ­prusisyon at kasunod na siya at iba pang mga ­district director ng NCRPO.

Paliligiran din ng mga pulis ang Poong ­Nazareno at kasunod nito ay ang mga deboto na sasama sa prusisyon.

Ayon kay Sinas, hindi lang Manila Police ­District kundi lahat ng district director sa Metro Manila ang nagpahayag ng kahandaang tumulong para ­matiyak ang seguridad ng mga lalahok sa ­prusisyon ng Poong Nazareno.

Kapag naging tagumpay anya ang ­security plan na kanilang ilalatag para sa thanksgiving ­procession ay ito na rin ang ipatutupad para sa Traslacion na gaganapin sa Enero 9. (PNA/Juliet de ­Loza-Cudia)