Paglalabanan ang popular na video game NBA2K bilang ikaanim at huling laro sa mga gold medal event sa e­Sports ng 30th Southeast Asian Games 2019 sa darating na Nobyembre 30-Disyembre 11.

Sinabi ni Philippine Southeast Games Organizing Committee (PHISGOC) Executive Director Ramon Suzara, kahapon na ang NBA2K ang isa sa dalawang laro na paglalaban sa kategorya na gaming consoles.

Una nang inihayag ng PHISGOC na anim na titulo ang ang pag-aagawan bilang regular medal event na binubuo ng dalawang PC title na Dota 2 at StarCraft II, at dalawa rin sa mobile title na Mobile Legends: Bang Bang at Arena of Valor.

Inihayag ang isa sa dalawang paglalaban sa gaming console title na Tekken 7 bago ang pinakahuli na NBA2K.

Naging basehan sa pagpili ng anim na game title ang pagkakaroon ng pinakamalawak na mga naglalaro nito kung saan nakasali ang lahat ng mga popular at pinakakompetitibong laro.

Kinonsidera rin na ang mga laro ay makakaya ang pisikal at mahabang “mental intensity” para makumpleto ang posibleng mahabang laro. (Lito Oredo)