NBA dream ni Kai suportado ni Jordan

Mas nanalaytay ang dugong Pinoy ni Jordan Taylor Clarkson kaysa Amerikano nang ihayag ang kanyang pagsubaybay at pagsuporta kay Kai Zachary Sotto na maabot ang pangarap na makapaglaro sa National Basketball Association (NBA).

Ipinahayag ng Fil-Am NBA journey man ito buhat sa Los Angeles phone interview sa kanya ni Homer Sayson ng Spin.ph mula naman sa Chicago noong Biyernes (Sabado sa Maynila).

“I’ve seen some of his highlights and he’s coming along pretty well. It would really be nice to see Kai make it to the NBA,” ani Clarkson na nasa Utah Jazz na sapul noong isang taon makaraan ang playing career sa Los Angeles Lakers (2014-18) at Cleveland Cavaliers (2018-19).

Hinirit pa ng dating Gilas Pilipinas national player (2018 Jakarta Asian Gamer) sa Pinoy cage phenom: “I have my eyes on him and I’ll be supporting him.”

Pumunta sa huling bahagi ng nakalipas na taon sa Estados Unidos ang 7-foot-2 na si Kai para mag-training sa The Skill Factory (TSF) sa Atlanta kung saan pinabilib niya ang ilang talent scout.

Sapat ang performance niya sa TSF para makapasok noong Pebrero sa 20th Basketball Without Borders Global Camp (BWBGC) 2020 ng NBA at International Basketball Association o FIBA sa Quest Multisport sa Chicago, Illinois.

Ang BWBGC sa taong ito ang isa sa side event ng 70th NBA All-Star Game 2020 sa kalapit lang na United Center.(RDC)