SAN ANTONIO (AP) — Umiskor si Kawhi Leonard ng 28 at nakabawi ang San Antonio mula sa back-to-back road losses nang talunin ang Memphis, 116-103, tungo sa 3-2 lead sa kanilang first-round ­series.

Nagliyab sa long range ang Spurs, tumikada ng 14 for 28 sa 3-point attempts — kapos ng dalawa sa kanilang postseason record. Pinakamainit sa home team ang mga kamay ni Patty Mills na 5 for 7 sa ­labas ng arc.

Tumapos si Mills ng 20 points, nagdagdag si Tony Parker ng 16.

Pinamunuan ng 26 points ni Mike Conley­ ang Grizzlies, may 17 si Marc Gasol. ­Humaba sa nine straight postseason games ang talo ng Memphis sa pagdayo sa San Antonio.

Balik ang Game 6 Huwebes ng gabi sa Memphis.

Sa Los Angeles, abot-kamay na rin ng Utah ang tiket sa second round nang itarak ang 3-2 lead kontra Clippers sa bisa ng manipis na 96-92 panalo.

Nabiktima ng food poisoning at nanghina sa Game 4 win ng Jazz kaya hindi masyadong nagamit, bumalik si Gordon Hayward sa Game 5 para umiskor ng 27.

Wala si Blake Griffin sa Clippers dahil sa toe ­injury, kinontrol ng Utah ang paint.

Dumikit sa dalawa ang Los Angeles sa 3-pointer ni Chris Paul 5 seconds pa. Pagkatapos magbaon ng dalawang free throws si George Hill sa kabila, hindi nakontrol ni Paul ang bola malapit sa sideline hanggang maubusan na ng oras.

Limang 3-pointers ang naikonekta ng Jazz sa fourth, tatlo rito mula kay Rodney Hood na tumapos ng 16.

Nanguna ang 28 points ni Paul sa Clippers, may 26 si JJ Redick.

Puwede nang isara ng Jazz ang serye kapag nanalo sa Game 6 Biyernes ng gabi sa Salt Lake City.