HOUSTON — Pagkatapos ng dalawang malamyang laro sa Western Conference semifinals, nagising din si LaMarcus Aldridge.

Wala si San Antonio point guard Tony Parker, bumalikwas si Aldridge Biyernes ng gabi para tulungan ang Spurs sa 103-92 panalo kontra Houston Rockets at 2-1 lead.

Umiskor sina Aldridge at Kawhi Leonard ng tig-26 sa unang postseason game ng San Antonio na wala si Parker sapul noong 2001. Natapos ang NBA record 221 straight playoff appearances ng 34-anyos na Frenchman, inabot ng season-ending leg injury sa fourth quarter ng Game 2.

“You can’t replace Tony Parker. He’s a Hall of Famer one day, but I think guys just came out with a sense of urgency and just played hard,” wika ni Aldridge.

Nagkasya lang sa 19 points combined si Aldridge sa first two games.

Game 4 sa Linggo ng gabi sa Houston.

Nanguna sa Rockets ang 43 points ni James Harden pagkatapos ng 13-point production sa Game 2. Kaya lang ay may five assists lang siya at nagreklamo sa officiating.