Nagluksa ang buong National Basketball Association sa pagkamatay ni Lakers legend Kobe Bryant.
Si Kobe, ang 13-anyos na dalagitang anak na si Gianna at pitong iba pa ay sakay ng helicopter na nag-crash sa Calabasasm California Linggo ng gabi.
Mabigat ang mga dibdib pero itinuloy din ang mga laro.
Sa San Antonio, nakuha ng Toronto ang opening tip pero inubos ng Raptors ang 24-second shot clock sa umpisa ng laro. Para kay Kobe, na No. 24 sa latter half ng career sa LA.
Habang paubos ang shot clock, isinigaw ng fans sa AT&T Center ang pangalan ni Kobe.
Pagkakuha ng Spurs sa bola kasunod ng shot-clock violation, inubos din nila ang 24 seconds.
Ganito rin ang tribute na binigay ng Orlando Magic at Clippers. Una ay inubos ang 24-second shot clock bago ang 8-second violation. Ginamit din ni Kobe ang No. 8.
Sumunod ang Memphis at Phoenix. Nag-24-second violation ang Grizzlies, sumunod sa 8-second violation ang Suns. Pagkatapos ay hindi na napigil ni Devin Booker ang pag-iyak. (Vladi Eduarte)