NBA: THOMAS NAGLIYAB

Nba Boston Isaiah Thomas

BOSTON — Nagsalansan si Isaiah Thomas­ ng 53 points — second-highest total sa ­Celtics playoff history — para bitbitin ang Boston sa 129-119 overtime win kontra Washington Wizards Martes ng gabi.

Umabante ang Boston 2-0 sa kanilang best-of-seven Eastern Conference semifinals.

Nilalaro ang mouth guard na gamit sapul nang malagasan ng isang ngipin sa Game 1, tumikada si Thomas ng nine points sa extra period nang ma-outscore ng Celtics ang Washington, 15-5.

Panglimang player si Thomas sa kasaysayan ng most decorated franchise ng NBA na umiskor ng 50 o higit pa sa postseason game, kinapos lang ng isa sa team record ni John Havlicek. ‘Yun na ang career playoff best ni Thomas.

Kinapos ang 40 points at 13 assists ni John Wall sa Wizards.

Tawid ang series sa Washington para sa Games 3 at 4 sa Huwebes at Linggo.

Sa Oakland, California, umiskor si Stephen Curry ng 22 points sa loob lang ng three quarters at kinubabawan ng top-seeded Golden State ang Utah 106-94 sa opener ng kanilang Western Conference semis.

Iginuhit ni Draymond Green ang first six points ng Warriors sa fourth quarter tungo sa 17 points, eight rebounds, six assists at two block shots. May 19 total swats na si Green sa limang laro niya sa playoffs.

Inalat si Kevin Durant sa 7 for 17 shooting sa field pero tumapos pa rin ng 17 points sa Warriors, may five rebounds at five assists pa siya. Nagdagdag si Zaza Pachulia ng 10 points sa 14 minutes.

Naglista si Rudy Gobert ng 13 points, eight rebounds, two blocks at Flagrant 1 foul kay Green sa fourth para sa Jazz, tinapos ang Clippers sa pitong laro noong Linggo samantalang April 24 huling lumaro ang Warriors matapos walisin sa four games ang Portland.

Game 2 ng best-of-seven series sa Huwebes sa Oracle Arena.