BOSTON (AP) — Sapul nang basagin ng Boston Celtics ang kanilang Big Three noong 2013, sa ganitong yugto ng NBA ay nasa tabi lang sila at nanonood habang nakikipagrambulan sa championships sina LeBron James, Stephen Curry at Kawhi Leonard.
Sa pamumuno ni Isaiah Thomas, nakisali sa bakbakan ang Celtics.
Tinalo ng Boston ang Washington Wizards 115-105 sa Game 7 ng Eastern Conference semifinals Lunes ng gabi.
Ang resulta: pinakamatinding pagsubok sa Celtics, dahil hahamunin nila sa isa pang serye si James at ang nakapahingang Cleveland Cavaliers.
Unang trip ito ng Boston sa conference finals sapul noong 2012, huling taon ng era nina Paul Pierce, Kevin Garnett at Ray Allen. Susubukang habulin ng top-seeded Celtics ang 18th NBA championship, una mula nang kalusin ang Los Angeles Lakers sa 2008 NBA Finals.
Tiwala sa kanilang sarili ang Celtics. Pagkatapos mamatay ng kapatid ni Thomas sa first round ay nag-rally ang Boston, umahon mula 0-2 deficit kontra Chicago Bulls. Sumunod ay rumesponde si Kelly Olynyk at ang bench sa Game 7 kontra makulit na Wizards.
Pero hindi pa tinatalo ng Celtics ang Cavs kapag buo ang puwersa ng mga taga-Cleveland.
Sa apat na laro sa regular season, ang nag-iisang panalo ng Boston ay noong March 1, habang nagpapagaling sa minor left knee surgery si Kevin Love. Naipanalo ng Cleveland ang iba pang laro sa combined 35 points kasama ang 114-91 noong April 5.
“We know it’s going to be tough, but at this point, anything can happen, and we really believe it,” giit ni Thomas.
“They didn’t give us a chance when we were down 0-2 in Chicago. We got the No. 1 seed, and they didn’t give us a chance. They don’t ever give us a chance, and we just keep going. We don’t care what others say.”
Ihu-host ng Boston ang Game 1 sa Miyerkules.