Nba Utah Jazz
Dumaan sa pagitan ng dalawang defenders ng Los Angeles Clippers si Gordon Hayward (20) ng Utah bago dumukot sa ilalim ng basket. Umiskor si Hayward ng 26 at sinipa ng Jazz ang Clippers 104-91 sa Game 7 para hamunin sa West semis ang top seed Golden State. (AFP)

LOS ANGELES — Food poisoning lang ang nakapigil kay Gordon Hayward sa playoffs. ­Kahit ang Clippers, hindi siya kinaya.

Umiskor si Hayward ng 26 points at sinipa ng Utah Jazz ang Los Angeles Clippers sa bisa ng 104-91 panalo nitong Linggo, isinara ang first-round ­series sa 4-3 at ilista ang unang postseason victory ng prangkisa sapul noong 2010.

“We’ve been through some pretty hard downs,” ani seventh-year veteran Hayward. “It definitely feels really good to go form 25 wins to where we were in this year making the playoffs, winning a ­series.”

Nabiktima ng food poisoning si Hayward noong Game 4 at 9 minutes lang lumaro sa panalo ng Utah. Nanghihina pa ang tuhod pero bumalik siya sa Game 5 para umiskor ng 27 sa isa pang panalo.

Heto ngayon at nakaabang sa Jazz sina Stephen Curry, Kevin Durant, Klay Thompson at ang top-seeded Golden State. Winalis ng Warriors ang Portland 4-0 at ilang araw nang naghihintay ng makaka­tapat sa West semifinals.

Game 1 ng second-round series Martes sa ­Oakland.

Nagdagdag ng tig-17 points sina George Hill at Derrick Favors sa close-out win ng Utah, nagmukhang pinakamadali sa back-and-forth series.

Nagsumite ng 24 points at 17 rebounds si ­DeAndre Jordan sa Clippers, may 20 off the bench si ­Jamal Crawford. Umayuda ng 13 points si Chris Paul sa Clippers, sa pangalawang sunod na taon ay pinag-impake na naman sa first round. Last season ay ­natalo sila sa Portland matapos magka-injury sina Paul at Blake Griffin. Sa Game 3 kontra Jazz ngayon ay nawala na naman si Griffin dahil sa big-toe injury.

Sabay sa pagtunog ng final buzzer ay natapos na din ang 19-year NBA career ni Paul Pierce. May six points at three rebounds sa loob ng 21 minutes para sa Clippers ang 39-anyos na forward, nag-average ng 11.1 minutes sa series.