NBI, BI susuyurin mga iligal Chinese clinic

Pinakilos ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra ang National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Immigration (BI) para galugarin ang mga lugar kung saan may nakatagong iligal na Chinese clinic matapos ang pagkakadiskubre ng dalawang katulad na pasilidad sa Makati City at Pampanga kamakailan.

Naniniwala si Guevara na mayroon pang mga iligal na clinic na nag-ooperate sa ibang lugar ng walang permit mula sa Department of Health (DOH).

Nangangamba si Guevarra na malalagay sa panganib ang mga nagpapagamot sa mga ganitong klase ng iligal na pasilidad lalo pa at walang pahintulot ang operasyon ng mga ito mula sa gobyerno.

“It seems that clandestine medical clinics catering mostly to foreign nationals have sprouted and have been operating without proper authority,” ayon kay Guevarra.

Matatandaan na isang underground clinic ang sinalakay sa Fontana Leisure Park sa Clark, Pampanga kung saan ginagamot umano ang mga Chinese na tinamaan ng COVID-19.

Depensa ng Fontana, wala umano silang alam sa nasabing operasyon at nasa ilalim umano ng Shidaikeji Technology Corp ang pangangalaga ng villa kung saan natagpuan ang iligal na clinic para sa mga Chinese.

Samantala, isa pang health facility na para rin sa mga Chinese ang sinalakay ng mga awtoridad sa Parañaque City kung saan nakasamsam ng mga hindi rehistradong gamot para sa COVID-19 at sexually transmitted disease o STD.

Dati nang pinag-utos ni Guevarra sa BI na hanapin ang mga nagpagamot sa sinalakay na clinic sa Pampanga ngunit bigong mahanap dahil wala umanong record o logbook sa nasabing pasilidad. (Juliet de Loza-Cudia/Ray Mark Patriarca)