Magsasagawa ng imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa umano’y nangyaring ‘riot’ sa New Bilibid Prison (NBP) kahapon ng umaga sa Muntinlupa.

Aalamin ng NBI kung ano ang dahilan kung bakit sumiklab ang riot sa NBP partikular sa Bilibid 14 kung saan nakakulong ang mga high-profile inmates at top drug lords na kinabibilangan nina Jaybee Sebastian, Peter Co, Tony Co, Vincent Sy at iba pa.

Namatay naman sa riot ang Chinese drug lord na si Tony Co habang sugatan sina Sebastian, Peter Co at si Sy naman ay nasa Ospital ng Muntinlupa.

Sa ulat, alas-7:40 ng umaga nang sumiklab ang ­riot sa Bilibid 14.

Nauna rito ay nakita umano ng dating pulis na si PCI Clarence Dungael ang tatlong Chinese drug lords na nagpa-pot session sa kanilang kulungan.

Habang nanonood umano ng TV si Dungael na kapwa inmates din ay biglang inatake ng saksak ni Tony Co na nagresulta ng labu-labo na sinasabing may dati nang alitan ang magkabilang grupo.