Sunog at nangingitim umano ang lalamunan at respiratory system ng Philippine National Police doctor na si Casey Gutierrez na namatay matapos makalanghap ng nakalalasong kemikal sa decontamination process habang nasa quarantine facility sa ULTRA, Pasig noong nakaraang buwan.
“ The autopsy of the police captain and medical doctor Casey Gutierrez showed that he inhaled “vapors corrosive to the respiratory system,’’ sinabi pa ng source mula sa National Bureau of Investigation.
“There was diffused, very dark purple discoloration of the intra-luminal lining of the trachea or windpipe, which should have been normally pinkish,’’ayon sa autopsy report.
Nagpasaklolo ang pamilya ng biktima sa NBI para imbestigahan ang nangyaring pagkamatay ng biktima na tinangka umanong itago ng PNP matapos mag-isyu ng news blackout.
Kasalukuyan iniimbestigahan ang insidente at ni-review na din ang protocol sa mga COVID-19 quarantine facilty upang hindi na maulit ang insidente .
Si Gutierrez kasama ang lima pang medical staff ay nahirapang huminga at nakaramdam nang pagkahilo noong gabi ng Mayo 20, 2020 makaraang makalanghap ng chemical substance habang sumasailalim ng routine decontamination process matapos na bisitahin ang mga pasyente ng COVID-19 sa nasabing stadium.
Ang police captain na bagong recruit ng PNP Health Services ay namatay sa Lung Center of the Philippines, anim na araw matapos ang insidente.
Ayon sa PNP report, si Gutierrez ay nasawi dahil sa organ complications at nasa ventilators nang malagutan ng hininga.
Batay sa paunang findings, nasawi ang pulis dahil sa massive pulmonary embolism na resulta ng paglanghap ng nakalalasong substance na sodium hypochlorite, isang kemikal na tinutukoy na bleach.
Sinabi naman ni Shella Distor, medical practitioner at live in partner ni Gutierrez na dalawa pang police officer ang nakaranas ng kaparehas na sintomas matapos ang pagkamatay ni Gutierrez.
“Ayaw na sana namin magsalita pero nangyari ulit sa ibang tao,” ayon kay Shella Distor, medical practitioner na at live in partner ni Gutierrez.
Kinumpirma naman ni PNP spokesman Brigadier General Bernard Banac, na nasawi si Gutierrez sa “accidental inhalation of toxic disinfectant” base sa report umano ng PNP General Hospita. ( Vick Aquino)