NBP ililipat, 300 ektaryang lupain gagawing negosyo

Ililipat sa ibang lugar ang mga pasilidad at mga bilanggo ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City bilang bahagi ng modernization program ng gobyerno para sa pambansang bilangguan.

Ito ang ipinahayag ng bagong Bureau of Corrections (BuCor) director na si Nicanor Faeldon nang dumalo sa flag ceremony ng ahensiya matapos na pormal nang umupo sa kanyang puwesto kahapon nang umaga.

Inihayag ni Faeldon sa mga kawani ng BuCor na sa susunod na tatlong taon ay tatanggalin na ang NBP sa may 300 ektaryang lupain na kinatatayuan nito sa Muntinlupa dahil gagawin na itong commercial at business district.

“I’m telling you this, as directed by the President and as mandated by the BuCor Modernization Act of 2013 we have to move it out, we have to move the facilities out,” sabi ni Faeldon.

Pero hindi muna binanggit ni Faeldon kung sa­ang lugar ililipat ang NBP na ipinatayo sa Muntinlupa noon pang 1940.

“This is a very expensive property that the Phi­lippine government can use to generate funds so the requirements set by BuCor can be sustained by itself,” ayon pa kay Faeldon.