NCAA: Bombers, Stags basagan sa ‘D’

Mga laro ngayon (San Sebastian gym, Legarda)
2:00 p.m. — San Sebastian vs. JRU (jrs)
4:00 p.m. — San Sebastian vs. JRU (srs)

Parehong misyon ng Jose Rizal University at San Sebastian na dumikit sa unahan pero isa lang sa kanila ang lalapit dahil magkatapat sila ngayong araw sa 93rd NCAA basketball tournament na dadayo sa San Sebastian gym.

Pakay ng Heavy Bombers na duplikahin ang 65-62 panalo sa Letran Knights, sisikapin naman ng Stags na bumangon mula sa pagkakadapa sa Lyceum of the Philippines 78-73 noong Biyernes.

Tangan ng Kalentong-based squad JRU ang 2-2 karta, 1-2 naman ang kapit ng mga taga-Legarda. Bago ang bakbakan ay magtatagpo muna ang Staglets­ at Light Bombers sa juniors division.

Pareho ring defensive-minded ang Baste at JRU.

Pangalawa ang San Sebastian sa points allowed sa binibigay na average 70 points per game sa kalaban, kabuntot ang Jose Rizal (71.3).

Pinakamahigpit sa depensa ang Perpetual Help sa 64.3 points allowed per game.

Parehong naniniwala sina coaches Vergel Meneses ng JRU at Egay Macaraya ng Baste na pitpitan ang labanan.

“San Sebastian has shown in the pre-season and in its first few games of the NCAA that it is a dangerous team and we have to really play tougher defense to beat them,” pahayag ni Meneses.

“Jose Rizal is a veteran team known for their ­defense and we have to be ready against them,” saad naman ni Macaraya.