NCAA champion coach rumaket, nag-referee

NCAA champion coach rumaket, nag-referee

Ilang araw lang matapos igiya ang Arellano Lady Chiefs sa ikatlong sunod na kampeonato, tawid naman sa UAAP ang multi-titled coach na si Roberto ‘Obet’ Javier.

Ngunit hindi dapat mangamba ang NCAA community dahil hindi li­lipat ng koponan ang four-time champion coach, tatawid sa UAAP para ­balikan lang ang dating nakahiligan.

Sa naging laban ng ­Adamson University at University of Santo Tomas sa UAAP Season 81 men’s volleyball Linggo ng hapon, isang pamilyar na mukha sa mga volleyball fan ang nakita bilang referee sa nasabing laban, at ito ay walang iba kundi si Javier.

Paliwanag niya, dati na umano niya itong raket buhat pa noong 2001, nahinto sa UAAP dahil tinapik bilang parte ng coaching staff noon ng University of the East men’s volleyball varsity team.

“Actually matagal na, ang nangyari kasi kaya hindi ako nakakapito dito dahil, ‘di ba, nagco-coach ako dati sa UE. Bawal kasi ‘yun so ngayon nabigyan ako ng pagkakataon, grinab ko na ‘yung opportunity,” litanya ni Javier.

At sa kanyang unang salang ngayong season, nasubukan agad ang kanyang kakayahan bilang referee matapos ang limang set na tumagal ng lampas dalawang oras.

“Para sa akin maganda kasi five sets, kumbaga na-test ‘yung kaalaman ko sa officiating. Pero kailangan ko pa rin mag-improve kaya kanina bago mag-start, nagpapatulong ako sa kasama ko,” panapos niya. (RMP)