NCAA chess: San Beda kinalos ang Pirates

Kinalos ng San Beda woodpushers ang last year’s second placer Lyceum of the Philippines Pirates, 3.5-.5, upang manatili sa tuktok ng team standings matapos ang five rounds ng 92nd NCAA seniors chess tournament sa Jose Rizal Gym sa Mandaluyong City.

Nagtala ng panalo sina Mari Joseph Turqueza, McDominique Lagula at Bryan Barcelon sa boards one, three at four habang tabla ang laro ni Alcon John Datu kay Jonathan Jota sa second board para sagpangin ng Red Lions ang 18 puntos.

Nasa pangalawang puwesto ang defending champion Arellano University Chiefs na may 14.5 markers matapos padapain ang Letran, 3.5-.5, mula sa panalo nina Carlo Caranyagan, Don Tyrone delos Santos at Joshua Arias sa last three boards habang naghati sa isang puntos sina Kyz Llantada kay Melwyn Kenneth Baltazar sa top board.

Mula No.2, laglag ang LPU sa third kasalo ang St. Benilde na binokya ang Emilio Aguinaldo sa kaba­yanihan nina Nelson Busa, Jr., Daryl Unix Samantila, Prince Kenneth Reyes at Charles Daniel Abuzo.

Samantala, kinaldag ng Letran ang Arellano U, 2.5-1.5, para patigasin ang pagkapit sa unahan ng team standings sa juniors’ division na may 15.5 pts. nasa pangalawa ang San Beda tangan ang 13 puntos matapos yumuko sa Lyceum, 1.5-2.5.

Nakaupo naman ang Junior Pirates sa third kalong ang 12 points.