Nilista ng JRU ang unang back-to-back wins matapos pasabugin ang College of Saint Benilde 81-53 kahapon sa 93rd NCAA basketball tournament sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.
Kinapitan ng Heavy Bombers sina Ervin Grospe at Teytey Teodoro para ratratin agad sa first two quarters ang Blazers tungo sa 38-19 halftime lead.
Samantala, nananatiling walang dungis ang Lyceum of the Philippines matapos siluhin ang 75-68 come-from-behind win kontra Letran.
Nagmukhang matatapos na ang maliligayang araw ng Pirates nang lumayo ang Knights hanggang 37-20 sa second, pero kahit wala si head coach Topex Robinson na suspendido ng isang laro dahil sa ejection ay nagawang gisingin ng ayudante niyang si Jeff Perlas ang league-leaders.
Nambarako si 6-foot-6 Cameroonian Mike Nzeusseu ng 13 points, 15 rebounds at three blocks, karamihan sa puntos niya dumating sa fourth nang balikatin ang Pirates tapos ma-fouled out ang natitirang bigs ng Knights na sina Daryl Pascual at Alex Mandreza.
Out na sa season ang center ng Letran na si 6’6” Jeo Ambohot dahil sa right wrist injury.
Mag-isa sa top spot ang Pirates kapit ang 8-0 card.
“Sa wakas, naka-back-to-back din,” masayang sabi ni JRU head coach Vergel Meneses.
Tumikada si Grospe ng 14 points at five assists para sa Bombers (4-3) na solo sa fourth.
Nag-ambag si Teodoro ng 13 markers.
Tumipa si Carlo Young ng 14 puntos para sa Saint Benilde (2-6).
Kinalawit naman ng San Sebastian College ang manipis na 75-73 panalo laban sa Emilio Aguinaldo College.