Tumibay ang kapit ng Lyceum of the Philippines sa tuktok ng standings matapos walisin ang first round eliminations ng 93rd NCAA basketball tournament.

Namuhunan ang Pirates sa first quarter sapat para kalusin ang Mapua 97-74 kahapon sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.

Walang talo ang Lyceum sa siyam na salang.

Tangan ng Lyceum ang 22-8 abante sa opening canto, lumobo pa sa 52-34 sa halftime.

Patuloy na tinataguyod ni CJ Perez ang Pirates sa tinipang 18 points, seven rebounds at three assists.

Umabot sa 32 ang abante ng Lyceum sa two-point basket ni Perez sa third.

Hindi na nakahabol ang Cardinals, hanggang dulo ay minamasaker sila ng kapitbahay nila sa Intramuros.

Hindi pa rin kuntento si Lyceum coach Topex Robinson, gusto nitong mag-umento pa ang laro ng kanyang mga bataan.

“There is nothing to celebrate because there are still nine games to go. We just need to keep ho­noring the game and find ways to keep on impro­ving,” ani Robinson.

Nalasap ng Mapua ang pampitong talo sa walong laro.

Sa huling laro ng seniors, tinalbos ng EAC ang Perpetual 61-57.

Tumikada si Sidney Onwubere ng 21 points, 17 rebounds at three assists para sa Generals (4-5). Laglag ang Altas (3-6) sa 8th.