NCAA: May misyon ang Red Lions

Misyon ng San Beda na bitbitin sa 93rd NCAA basketball tournament ang tagumpay sa katatapos na FilOil Flying V Preseason Premier Cup.

Sa July 8 sisimulan ng Red Lions na depensahan ang titulo sa NCAA men’s basketball, pero inaasahan nang magiging mahirap ang tatahaking landas bago maiuwi ang back-to-back titles.

“Our goal is to keep that NCAA trophy at San Beda and we expect it to be tougher after our recent victory,” saad ng nagbabalik-coach sa San Beda na si Boyet Fernandez.

Isa sa magiging sandata ni Fernandez si ­Robert Bolick na bayani­ sa panalo ng Lions sa final ng Premier Cup kontra reigning UAAP champion La Salle.

“We’re proud of what we’ve accomplished in the pre-season. But this doesn’t mean it’s going to be easy come NCAA after this. It will not, because we expect teams to prepare for us more,” hayag ni Bolick.

Matigas pa rin ang San Beda dahil si Dan Sara lang ang nawala sa lineup na nagwalis sa Arellano noong nakaraang NCAA finals.

Makakatuwang ni Bolick sina Javee Mocon, Davon Potts, Jose Presbitero, Ben Adamos, Arnaud Noah at Radge Tongco kasama ang dala­wang bagong players na sina Ateneo transferees Clint Doliguez at 6-foot-8 Kenmark Carino.

Si Fernandez ang humawak sa Red Lions nang magkampeon sila noong 2013 at 2014, bago umakyat sa PBA at pinalitan ni Jamike Jarin.

Tumawid sa bakuran ng NU si Jarin kaya balik si Fernandez sa San Beda.