Hinigpitan ng Lyceum of the Philippines ang depensa sa second half para sikwatin ang malinis na anim na panalo at manatili sa unahan ng 93rd NCAA basketball tournament.

Kumalas sa dulo ng third quarter ang Pirates para talupan ang Perpetual­ Help 76-58 kahapon sa The Arena sa San Juan.

May konting gigil ang laro ng mga taga-Intramuros sa unang dalawang periods, pagbalik mula sa break ay bahag­yang nagkumahog ang opensa kaya naungusan ng Altas 35-34.

Nakagawa agad ng solusyon si coach Topex Robinson, ginising ang mga bataan na rumesponde ng 16-0 run.

“During the first half, medyo tight sila. They were not having fun. Parang naiilang sila dahil ngayon lang nagkaroon ng malaking crowd kasi kaka-start lang ng school year,” ani Lyceum assistant coach Jeff Perlas. “During the half, coach Topex reminded them it’s not about our offense, it’s our defense,”

Pagkatapos ng laban, agad umalis ng Arena si Robinson dahil kailangan nitong makapunta sa laro ng Alaska sa PBA.

Nagtala si CJ Perez ng 19 points, seven rebounds, three assists at two steals para sa Lyceum na tatlong pa­nalo pa ay wawalisin na ang first round ng eliminations.

May 12 points si Jasper Ayaay, nine kay Mike Nzeusseu para sa Pirates.
Tumipa si Prince Eze ng 21 points at 19 boards sa Altas (2-3).

Lumakas naman ang kapit ng defending champion San Beda College sa No. 2 nang kalusin ang JRU 54-48 tungo sa 5-1 karta.

Kinalsuhan ng San Sebastian College ang two-game skid sa bisa ng 75-66 win kontra Mapua.