NCR, Calabarzon, Bulacan kandidato sa quarantine extension

Posibleng magpatuloy ang quarantine sa National Capital Region (NCR) o Metro Manila, Calabarzon at ilang lugar sa Bulacan kahit matapos na ang pinalawig na enhanced community quarantine sa Abril 30.

Inihayag ito ni Presidential Spokesman Harry Roque, batay sa opinyon ng mga eksperto sa mga lugar na may pinakamaraming kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Roque, hindi maitatangging may outbreak sa NCR at ilan pang lugar sa Luzon kaya ang consensus ay depende sa dami ng kaso.

“Ang opnyon ng mga dalubhasa, at mukha namang mayroon ding consensus dahil mayroon pong outbreak sa NCR, ay mukhang candidate po siya. NCR, Calabarzon and parts of Luzon,” ani Roque.

Gayonman, nakasalalay pa rin aniya ito sa pagpapasya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa sandaling mapag-aralan na nito ang mga rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at mga nakausap na eksperto.

Batay sa record ng DOH, naitala ang pinakamataas na kaso ng COVID-19 sa Metro Manila.(Aileen Taliping)