May naitala ang Department of Health (DOH) nang mahigit 1,000 bagong kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) sa bansa noong Hunyo.

Nalaman sa DOH-Epidemiology Bureau, umaabot sa kabuuang 1,006 newly confirmed HIV-positive indivi­duals ang naitala ng HIV/AIDS & ART Registry of the Philippines (HARP) sa nasabing buwan.

Nabatid na sa nabanggit na bilang, 194 kaso o 19% umano ang may cli­nical manifestations ng advanced HIV infection noong panahong ma-diagnosed ito.
Ito umano ay mas mataas sa 993 HIV cases lamang na naitala nila sa kaparehas na petsa noong nakaraang taon.

Ang sexual contact umano ang nanatiling pangunahing dahilan kung bakit dinapuan ng sakit ang mga biktima, na umabot sa 983 kaso o 98% ng kabuuang bilang.

Habang ang iba pa namang modes of transmission ay sharing ng kontaminadong needles na bumiktima ng siyam na katao at mother-to-child transmission na may tatlong kaso habang ‘di naman batid ang dahilan ng pagkahawa ng sakit ng 11 sa mga pasyente.

Kabilang sa mga bagong na diag­nose ay ang limang babaeng buntis, kungsaan dalawa mula sa Natio­nal Capital Region (NCR) at Region 7 (Central Visayas), at isa mula sa Region 6 (Western Visayas).

Gayundin, karamihan sa mga bagong kasong naitala ay mula sa NCR (346 cases); kasunod ang Ca­labarzon (155 cases), Central Luzon (114 cases); Central Visayas (78 ca­ses) at Western Visayas (56 cases).

Nabatid na ang unang kaso ng HIV infection sa Pilipinas ay naiulat noong 1984. (Juliet de Loza-Cudia)