NCR posibleng i-GCQ na – Lorenzana

Maaaring lumuwag na ang mga quarantine protocol sa National Capital Region (NCR) o Metro Manila simula sa Hunyo 1, ayon kay Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana.

“More likely mag-gi-GCQ na tayo by June 1,” wika ng kalihim sa isang event sa Camp Aguinaldo noong Sabado.

Nang tanungin ng media kung handa na ang NCR na isailalim sa general community quarantine (GCQ), sinabi ni Lorenzana na pinag-uusapan na ito ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).

“Ang pinag-uusapan namin sa IATF, e mag-GCQ pero `yung mga areas na meron pa ring mga infection baka `yun na lang ang ikontrol ng konti,” sabi ni Lorenzana.

Una nang ipinahayag ng mga awtoridad na dinadahan-dahan ang pagbubukas ng mga lugar na isinailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) noong Marso para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), partikular ang kinatatakutang second wave nito.

Binigyang-diin pa ni Lorenzana na mahalagang masanay ang mga tao sa pagdidisiplina sa kanilang sarili para sa tinatawag na new normal katulad ng physical distancing, pagsusuot ng face mask at palagiang paghuhugas ng mga kamay.

Sa kasalukuyan ay nasa ilalim pa ng modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Metro Manila at matatapos ito sa Mayo 31.

Samantala, sa hiwalay na panayam sa telebisyon nitong Linggo, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na maraming industriya ang dahan-dahang magbubukas oras na isailalim na ang ilang bahagi ng bansa sa modified GCQ.

“Sa modified GCQ, marami na tayong papayagan dun. Pati ‘yung ibang mga entertainment industries ay maaring payagan na rin dito sa modified GCQ,” sabi ni Año.

Subalit hindi nito binanggit kung anong partikular na sektor ng entertainment industry ang papayagan nang magbalik o mag-operate.(SDC)