NCRPO: Crime rate sa Metro Manila 50% binaba

Ipinagmalaki kahapon, Marso 28, ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na mahigit 50% ang ibinaba ng crime rate sa Metro Manila sa gitna ng ipinatutupad na enhanced community quarantine sa buong Luzon.

Batay sa datos ng NCRPO, pumalo sa 56.9 percent ang ibinaba ng crime rate sa Metro Manila subalit pangunahin pa rin dito ang mga kaso ng carnapping, rape, theft, at robbery.

Bukod sa Metro Manila, naitala rin aniya ang pagbaba ng antas ng krimen sa iba pang rehiyon katulad sa Region 1 (Ilocos), 73.53%; Region 2 (Cagayan Valley), 46.67%; Region 3 (Central Luzon, 72%; Region 4-A (Calabarzon), 55.81%; Region 5 (Bicol), 82.35%; at Cordillera, 87.50%.

Ayon kay NCRPO dDrector Police Major Gen. Debold Sinas, dahil mas

kakaunti na ang mga tao sa lansangan dulot ng `stay at home’ policy, mas madali nang matukoy ang mga kriminal na gagawa ng kalokohan.

Sa kasalukuyan, nasa 25,350 ng mga pulis sa NCRPO ang nakakalat sa buong Metro Manila para bantayan ang mga quarantine checkpoint.

Aniya, pagdating ng alas-7:30 ng gabi halos wala nang makitang mga tao na gumagala sa mga kalsada dahil sa ipinatutupad na curfew sa buong Metro Manila.

Sinabi ni Sinas na hindi lamang sa Metro Manila bumaba amg krimen kundi sa buong Luzon.

Aniya, napatunayan na malaki ang nagagawa ng police visibility sa pagbaba ng antas ng krimen. (Armida Rico)