CARRANGLAN, Nueva Ecija –— Kalaboso ang isang barangay captain makaraang ituro na sangkot sa hijacking activities kaya’t agarang inaresto kamakalawa ng hapon sa Brgy. Piut dito.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni P/Sr. Supt. Manuel Cornel, Nueva Ecija police director, dakong alas-4:30 ng hapon nang arestuhin ng pinagsanib na puwersa ng Carranglan police at Nueva Ecija Highway Patrol Group (HPG-NEPPO) si Edmundo De Guzman Pulicina ng Brgy. Piut dito.
Sa imbestigasyon ni PO2 Merwin Mendez, nabatid na dakong alas-nuwebe ng gabi noong Huwebes, nang tangayin ng limang armadong suspek ang minamanehong 10-wheeler truck (RNA 446) ni Rene del Castillo Bitchayda, 40-anyos, na may kargadang 500 sako ng bigas sa gilid ng Maharlika Highway, Brgy. Joson sa bayang ito.
Positibong kinilala nina Bitchayda at helper na si Jeffrie Mangaoil Ranche, 24, ang suspek.