Kasado na ang gagawing imbestigasyon ng Senado kaugnay sa nangyaring bus accident sa Nueva Ecija noong nakaraang linggo na nagresulta sa pagkasawi ng mahigit sa 30 katao.

Kaalinsunod na rin ito sa Senate Resolution No. 346, na inihain ni Senador Manny Pacquiao.

Sa resolusyon, inatasan ang committee on public services at public works na alamin ang mga ipinatutupad na road safety policies at regulations ng pamahalaan at malaman kung ano ang mga kakulangan nito na dapat ayusin.

Sa pamamagitan nito ay higit umanong mapapabuti at maisasaayos ang road safety standards upang sa gayon ay mabigyan ng proteksiyon ang buhay ng milyun-milyong mananakay.