SAN JOSE CITY, Nueva Ecija –— Sumalpok sa pader ang motorsiklo at nasawi ang isang rice mill operator makaraang barilin ng mga ‘di nakilalang salarin noong Sabado ng madaling-araw sa kahabaan ng San Jose, Lupao Provincial Road, Brgy. Sto. Niño 3rd sa lungsod na ito.
Sa ulat ni P/Supt. Reynaldo dela Cruz nakilala ang biktima na si Julius Cagape Allas, 44, residente ng Zone 11, Brgy. Abar 1st. Samantalang sugatan naman ang backrider na si Bayani Julian Costales, 55, machine operator at residente ng Zone 11, Brgy. Abar 1st.
Lumitaw sa imbestigasyon na dakong alas-tres ng madaling-araw habang pauwi na ang mga biktima mula sa trabaho nang biglang pagbabarilin ng mga suspek lulan ng isang kotse.
Nawalan ng kontrol sa motor si Allas dahil sa tama sa balikat kaya sumalpok sa pader at nasawi noon din. Naisugod naman si Costales sa San Jose City General Hospital ng mga nagrespondeng bantay bayan.