NEDA: P2 trilyon malulugi sa ekonomiya dahil sa COVID

Maaaring umabot sa P2 trilyon ang mawawala sa ekonomiya ng Pilipinas dahil sa COVID-19 pandemic kung kaya’t inaasahan ng Development Budget Coordination Committee na uurong ang ekonomiya ng 2 hanggang 34% ngayong taon.

Ayon sa pahayag ng National Economic and Development Authority (NEDA), kinakailangang ibaba ang economic growth projection para maging makatotohanan ang gagawing basehan ng administrasyong Duterte sa plano nito sa pananalapi at paggastos habang inaasikaso pa ng bansa ang epekto ng COVID-19.

Sumadsad ang ekonomiya ng Pilipinas nitong 1st quarter ng taon dahil sa isinagawang lockdown.

Puna ng marami, kung nagnegatibo na agad ang ekonomiya sa dalawang linggong lockdown, mas malaki ang ikababagsak nito sa 2nd quarter dahil dalawang buwang hindi gumulong ang maraming negosyo.

Umaasa ang NEDA na ang maagang pagsasagawa ng economic recovery program katuwang ang pribadong sektor ang magiging susi sa pagbuhay muli sa ekonomiya para magkaroon uli ng kumpiyansa ang lahat at muling magkaroon ng trabaho ang mga tao,

Sabi ng NEDA, umaasa itong makababawi ang ekonomiya sa 2021 kung kailan nakikinita nito ang 7.1 hanggang 8.1% na paglago ng ekonomiya ng Pilipinas. (Eileen Mencias)