Malaking hamon ang nakaatang sa balikat ni Acting National Economic Development Authority (NEDA) Director General Karl Kendrick Chua kaugnay ng implementasyon ng national ID system.

Kasunod ito ng marching order ni Pangulong Rodrigo Duterte na bilisan ang implementasyon ng national ID system para hindi na magkaproblema sa listahan ng mga dapat tulungan ng gobyerno lalo na sa panahon ng krisis.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni Chua na naghahanda na sila katulong ang Philippine Statistics Authority (PSA) para sa pagbili ng mga kagamitan at mga sistemang gagamitin sa implementasyon ng national ID system.

Target aniya nilang makapagpa-register ng 80-90 milyong Pilipino bago matapos ang Duterte administration at makapag-parehistro ng limang milyon bago matapos ang taong kasalukuyan.

“Ang balak ngayon ng PSA ay mag-register ng five million this year, pero sabi ko kung puwede ay mas mabilis at mas maraming mai-register,” ani Chua.

Sinabi ng kalihim na 1990 pa isinulong ang national ID system subalit marami ang kumontra dahil may kuwestiyon sa data privacy.

Pero tinitiyak ni Chua na mayroon ng Data Privacy Law kaya makakaasa ang publiko na mapoprotekhan ang kanilang mahahalagang impormasyon.

“Kapag mayroong national ID ang ating mga kababayan, sila po ay puwedeng makilala na sa iba’t ibang social amelioration program, at puwedeng magbukas ng bank account para yung pamimigay ng tulong ay hindi na cash at door-to-door na ginagawa ngayon,” dagdag pa ni Chua.(Aileen Taliping)