Umaray si Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia matapos bugbugin ang National Economic and Development Authority (NEDA) sa news report na kasya raw sa pamilyang may limang miyembro ang buwanang budget na P10,000.
Katuwiran ni Pernia, hindi naman sinabi ng kanyang undersecretary na si Rosemarie Edillon na sakto lang ang P10K budget kada buwan kundi ginawa lang itong ehemplo, pero ines-es (sensational) ng isang television network ang istorya upang mapaniwala ang publiko.
Paliwanag ni Pernia noong Biyernes, P42,000 daw talaga ang kailangang budget upang makapamuhay nang maayos ang pamilya na may limang miyembro. Ibig sabihin nito, kung ‘di kayang sumuka ng P42,000 kada buwan ang ama, e kailangang magbanat din ng buto si nanay.
Sa ginawang pagtutuwid ng NEDA chief, nalusutan niya ang argumento kung magkano talaga ang buwanang kita na kailangan ng isang pamilyang may limang miyembro para makapamuhay nang maayos o lagpas sa poverty line.
Subalit ang susunod na makakalaban ni Pernia ay ang sektor ng manggagawa dahil siguradong gagamitin ang halagang binanggit ng NEDA chief sa hinihinging dagdag sa suweldo. Kung kukuwentahin, ang P42,000 na buwanang suweldo ay katumbas ng P1,750 arawang suweldo. Kahit na sa P21,000, ang katumbas na arawang suweldo ay P875.
Pero ang umiiral na minimum wage para sa non-agricultural worker sa National Capital Region (NCR), pumapatak lang sa P512 kada araw, kulang ng higit P300 para mapantayan man lang ang P875. Malinaw na ang pinaiiral na minimum wage ng gobyerno ay pangpobre lang, ‘yung budget para sa noodles sa tanghalian o hapunan. Kung sa probinsiya, sakto sa ginamos o bulad ang suweldong ito.
Kaya marami ang nagiging bilyonaryo sa bansa, nadididal o naiisahan nila sa tamang suweldo ang mga manggagawa. Lagi nilang idinadahilan na babagsak ang kanilang negosyo kapag nagtaas ng suweldo. Ang mga regional wage board naman, matatakutin sa banta ng mga employer kaya barya ang ibibigay na wage hike sa mga manggagawa.
Kung hindi tayo nagkakamali, si Pernia ang ex-officio vice chairman ng National Wages and Productivity Commission. Ang kanyang mga regional director naman ang vice chairman ng mga Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB).
Sinabi na niyang P42,000 ang kailangang budget para makapamuhay nang maayos ang pamilyang may limang miyembro.
Tapos kokontrahin niya ang hinihinging P300 dagdag sa suweldo upang sumampa sa P800 ang minimum wage.
Tsk tsk. Nadidal na nga ng mga employer sa tamang suweldo ang kanilang manggagawa. Pati ba naman ang NEDA, kasama sa pagdidal sa magiging budget ng bawat pamilyang Pinoy.