Naaresto ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang babaeng negosyante sa Zamboanga City makaraang masamsam dito ang tinatayang aabot sa P8.6 milyong hala­ga ng iligal na droga sa isinagawang anti-drug operation kahapon.

Inanunsyo ni S/Supt. Thomas Joseph Martir, director ng Zamboanga City Police Office, ang pagdakip sa suspek na si Sofia Ibno, 32, na trader ng dry good na mula sa Malaysia.

Sa ulat, isinagawa ang buy-bust operation alas-7:30 ng Linggo ng umaga sa Uranus St., Dulaca Drive, Brgy. Tumaga ng nasabing siyudad kung saan natimbog si Ibno. Nakatakas naman ang kasabwat ng suspek na si Medson Kalim, nang matunugan na mga awtoridad ang kanilang katransaksiyon.

Nakuha sa suspek ang 1.2 kilo ng hinihinalang shabu at P1.3 milyon ng boodle money.

Kakasuhan ng paglabag sa RZ 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 si Ibno, umamin umano na unang beses itong nasangkot sa illegal drug trade.