Patay ang isang negosyante at ang kanyang driver samantalang sugatan naman ang kasama nilang babae makaraang tambangan ng riding-in-tandem ang sinasakyan nitong van sa southbound lane ng EDSA malapit sa Reliance St., Mandaluyong City kahapon nang hapon.
Base sa inisyal na imbestigasyon, kinilala ni Mandaluyong Police chief Senior Supt. Moises Villaceran ang pinatay na negosyante na si Jose Luis Yulo, 62-anyos, residente ng Alabang, Muntinlupa City at ang kanyang driver na si Allan Nomer Santos, 51-anyos.
Sugatan naman ang kasama nilang babae na kinilala ng pulisya sa pangalang Esmeralda Ignacio, 38-anyos.
Ayon sa ulat, sakay ang mga biktima ng puting Toyota Grandia na may plakang NOS 361, at binabagtas ang kahabaan ng EDSA nang dikitan sila ng riding-in-tandem at makailang ulit na paputukan ng baril bandang alas-3:08 Linggo nang hapon.
Agad na nadala sa kalapit na Victor R. Potenciano Medical Center ang mga sakay ng van ngunit nasawi rin kalaunan ang negosÂyante at driver nito.
Galing umano sa Pampanga ang mga biktima at pabalik na sa Alabang, Muntinlupa.
Nagsasagawa na ng follow-up investigation ang pulisya upang matukoy ang sanhi ng pamamaril, isa sa sinisilip na anggulo na may kaugnayan sa negosyo ang nangyaring pananambang sa negosyante.