Isang negosyante at driver nito ang kapwa napatay makaraang tambangan ng armadong riding-in-tandem habang lulan ng kanilang sasakyan sa Barangay Bulihan, Plaridel, Bulacan kamakailan.

Kinilala ng pulisya ang mga biktimang sina Mariano Chua Lu, 51-anyos, negosyante, at driver na si Yuri Baquira, kapwa residente ng Barangay New Manila, Quezon City na pawang dead-on-arrival sa pagamutan bunga ng maraming tama ng bala sa kanilang katawan.

Pasado alas-singko ng hapon noong Sabado, nanggaling ang biktimang negosyante at driver sa pag-aaring gusali sa bayan ng Plaridel at papauwi na lulan ng kotseng Toyota nang pagsapit sa kahabaan ng Barangay Bulihan, Plaridel ay bigla na lamang itong pinaulanan ng bala ng dalawang armadong suspek.

Nang bumangga ang sasakyan ng mga biktima at matiyak na kanilang napuruhan ang pakay ay mabilis na tumakas ang dalawang suspek lulan ng motorsiklo.

Hindi inaalis ng pulisya na may kinalaman sa negosyo ang motibo ng pamamaslang.