Dedbol ang isang negosyante nang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Brgy. Apolonio Samson, Quezon City nitong Linggo nang umaga.
Kinilala ni Captain Juan B. Mortel ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktima na si Hanson Maranan, 45-anyos at residente ng nasabing lungsod.
Mabilis namang nakatakas ang mga hindi pa nakilalang suspek na lulan ng itim na NMax Motorcycle at parehong may suot na helmet.
Sa inisyal na imbestigasyon ni SSgt. Voltaire Dizon, dakong alas-7:20 ng umaga nang maganap ang pamamaril sa Old Samson Road corner Cloverleaf Drive sa Brgy. Apolonio Samson.
Ayon sa testigong si Raiza Mae Beriña, 21-anyos at isang helper, nag-uusap sila ni Maranan nang dumating ang mga suspek mula sa Cloverleaf Drive at pinagbabaril ang biktima.
Blangko pa ang mga awtoridad sa motibo ng pamamaril at sa pagkakakilanlan ng mga suspek.
Pero hinihinalang may kinalaman ito sa hanapbuhay ng biktima na napag-alamang may puwesto ng sibuyas at saging sa palengke sa Balintawak. (Dolly Cabreza)