Negosyante itinumba sa palengke

dead-body

Hindi naging hadlang sa isang armadong hol­daper ang mataong lugar ng palengke para barilin sa ulo at pagnakawan ang isang negosyante ng hindi pa mabatid na halaga ng salapi sa Novaliches, Quezon City.

Base sa naantalang report ng Criminal Investigation Detection Unit (CIDU) nakilala ang biktima na si Julian Sarmiento y Francisco, 46, biyudo, tubong Marilao, Bulacan at naninirahan sa No. 16 Maagap St., Doña Isaura Subdivision, Brgy. Nova Proper, Novaliches.

Sa imbestigasyon ni P03 Jim Barayoga, nangyari ang insidente dakong alas-9:40 ng umaga sa loob ng maraming taong Susano Market, Dumalay St., Barangay Sta. Monica, Novaliches.

Lumilitaw na kasama ng biktima ang isang Lolito Gopo habang nag­lalakad sa loob ng napakaraming tao na Susano Market nang sundan umano ang biktima ng suspek at mula sa likod ay binaril ito sa ulo na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.

Walang buhay na bumagsak ang biktima sa sementadong palengke at dito ay nagmamadaling tinangay ng suspek ang sling bag ni Sarmiento bago mabilis na nagsipagtakas palabas ng palengke at sumakay sa isang naghihintay na motorsiklo na minaneho ng isa pang ka­sabwat na suspek.

Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) narekober sa lugar ng krimen ang isang basyo ng bala mula sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril at dalawang cellular phone na pag-aari ng biktima.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng CIDU upang matukoy kung sino ang posibleng may kagagawan ng krimen at kung ano ang tunay na motibo sa pamamaslang.