Swak sa bilangguan ang isang negosyante makaraang maiwanan ang kanyang bag na nasamsaman ng iligal na droga sa Starbucks coffee shop na nasa compound ng ABS-CBN sa Brgy. South Triangle, Quezon City noong Sabado nang gabi.

Kinilala ni Quezon City Police District director PBGen. Joselito Esquivel Jr. ang inarestong negosyante na si Michael Vernon Lerasan, 38-anyos,­ residente ng Project 4 sa nasabing siyudad.

Sa report ni Kamuning Police Station 10 commander, PLt. Col. Louise Benjie Tremor, dakong alas-7:56 nang gabi, Hunyo 8, nang tumawag sa kanilang himpilan ang pamunuan ng ABS-CBN at inimpormahan sila na may brown body bag na naglalaman ng iligal na droga at drug paraphernalia ang naiwanan sa loob ng Starbucks sa ABS-CBN, ELJ Bldg., Eugenio Lopez Drive, Brgy. South Triangle.

Nagkataon namang bumalik si Lerasan at sinabing nalaglag sa coffee shop ang kanyang dalang bag kaya siya bumalik subalit laking gulat nito ng bigla na lamang siyang arestuhin ng mga pulis.

Nasamsam sa bag ni Lerasan ang isang sachet ng shabu, isang rolled plastic sachet na naglalaman ng marijuana, at glass tube pipe.

Nakuha din ng mga awtoridad sa loob ng bag ang driver’s license na may pangalang Michael Vernon Lerasan.

Dinala si Lerasan sa nasabing himpilan at inihahanda na ang kasong isasampa laban sa kanya. (Dolly Cabreza)