Negosyante niyari habang nagpapa-vulcanize

Patay ang isang negosyante matapos itong pagbabarilin ng riding-in-trio habang nagpapa-vulcanize ng kanyang gulong Martes ng gabi sa Cabadbaran City, Agusan Del Norte.

Idineklarang dead-on-arrival sa Cabadbaran District Hospital ang biktimang si Elmer Vargas, 42, matapos magtamo ng mga bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa ulat ni Agusan del Norte Police Col. Ramir Perlito Perlas, naganap ang pananambang sa biktima sa isang vulcanizing shop sa Purok 3 Brgy. Mabini ng nasabing lungsod bandang alas-7:30 ng gabi.

Ayon sa opisyal, ang biktima ay nagtungo sa nasabing vulcanizing shop para magpalit ng na-flat na gulong ng kanyang sasakyan nang dumating ang mga salarin sa lugar.

Armado ng hindi pa natukoy na kalibre ng armas ay agad na pinagbabaril ng mga suspek ang target na negosyante.

Nang makasigurong napuruhan ang target ay mabilis nang nagsitakas ang mga suspek patungong Butuan City.

Agad namang isinugod ang biktima sa pagamutan pero nabigo nang maisalba ang buhay nito.

Nagsasagawa na ng follow-up investigation ang mga awtoridad upang maaresto at mapanagot sa batas ang mga salarin. (Edwin Balasa)