Patay ang isang 45-anyos na negosyante nang suntukin sa mukha ng umano’y bodyguard ni Imus City Ma­yor Manny Maliksi sa Imus City, Cavite.

Hindi na umabot ng buhay sa Metro South Medical Center ang biktimang si Dennis Saique, binata, ng Blk. 16 Lot 4 Soldiers Hills 4, Brgy. Molino 6 Bacoor City, Cavite.

Hawak naman ng Imus City Police ang suspek na si Michael Canizares, 42, may-asawa, sinasabing bodyguard ni Imus City Mayor Manny Maliksi at taga-Blk. 13 Lot 53 Summer Pointe County Homes, Brgy. Pasong Buaya 2, Imus City.

Sa ulat ni PO1 Jessie Trinidad Villanueva, ng Imus City Police Station, bago ang insidente ay nagtalo ang biktima at suspek sa harapan ng isang bahay sa Summer Pointe Country Homes, Brgy. Pasong Buaya 2, Imus City, Cavite hanggang sa suntukin ng huli ang una na humantong sa kanyang kamatayan.

Nauna dito, nagsasagawa umano ng roving inspection ang suspek sa loob ng Summer Point Homes Subd., dakong alas-11:30 nang gabi kung saan siya ang in-charge sa peace and order nang napansin ang ilang nakabarang sasak­yan sa labas ng isang bahay.

Ayon kay Villanueva, sinita umano ito ng suspek subalit kinompronta ito ng biktima at sinabihan na “may nagrereklamo ba sa amin?” dahilan upang magtalo ang dalawa at suntukin ang biktima na bumagsak at tumama ang ulo sa semento.