Negosyante tinadtad ng bala sa ulo

Patay ang isang negosyante matapos na salakayin ng dalawang lalaking magkaangkas sa isang motorsiklo sa Lungsod ng Navotas kahapon.

Sa ulat ng Navotas City Police Community Precinct, ganap umanong alas-8:45 ng umaga nang maganap ang insidente sa tapat ng isang tindahan sa Block 9, Brgy. North Bay Boulevard North nang nasabing lungsod.

Nakatigil at nakaupo sa driver seat ng kanyang Ford Fierra na may plakang TTT 801 si Domingo Panganiban, 52, may-asawa, ng Phase 1B habang ibinababa ng kanyang mga tao ang mga bote ng mga inuming alak at softdrinks na idinideliver nila sa kanyang tindahan nang dumating ang nakamotorsiklong mga suspek at pinaulanan ng bala sa kanyang ulo ang biktima.

Nang matiyak na napuruhan ang pakay ay mabilis nang tumakas.

Sa pagsisiyasat naman ang Scene Of the Crime Ope­ratives (SOCO) ay nasa tatlong cartridges mula sa hindi pa malamang kalibre ng baril ang narekober sa lugar.

Puspusan ngayon ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya.