May busal ang bibig at hinihinalang namatay dahil sa suffocation ang isang 62-anyos na negosyanteng beki na nilooban ng hindi nakikilalang mga suspek kahapon ng madaling-araw sa Sta. Ana, Maynila.
Ayon sa imbestigasyon ni SPO2 Richard Escarlan ng Manila Police District-Homicide Section, alas-10 ng umaga nang makita ang biktimang si Leonardo Simbilio, alyas ‘mommy Joy’ ng 2243-B Elioriaga cor. Augusto Francisco Street sa Sta. Ana, Maynila na wala nang buhay ni Vincent Antonio.
“Manghihiram po sana ako sa kanya ng pera, pinapunta ko muna ‘yung kapatid ko ang sabi niya natutulog pa raw si Mommy joy.
Nang ako na ang pumunta dito ko nakita na may nakabusal sa kanyang bibig at may sinturon na nakapulupot sa kanyang bibig hanggang ilong, mahigpit po ang pagkakatali ng sinturon,”ayon kay Antonio.
Wala namang sugat sa katawan palatandaan na pinatay ang biktima kaya hinihinalang inatake ito o na ‘suffocate’ dahil sa ginawang pagbusal sa kanyang bibig at pagtali ng sinturon sa kanyang bibig at ilong.
Nawala rin ang hindi madeterminang cash, tatlong cellphone at iba pang gadget ng biktima.
Isang kapitbahay ng biktima ang nagbigay ng impormasyon sa pulisya na may nakita umanong limang lalaki na nakatayo sa harap ng bahay ng biktima dakong alas-dos ng madaling-araw.