Ni Dolly Cabreza
Wala nang buhay ang isang 53-anyos na negosyante sa Quezon City nang balikan ng kanyang pamilya na nagbakasyon lamang nitong Kapaskuhan.
Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District, dakong alas-8:30 kamakalawa ng gabi nang matagpuang nakabigti ng nylon ang padre de pamilya sa hagdan ng kanilang bahay sa Brgy. Bahay Toro ng nasabing lungsod.
Ayon sa imbestigasyon, Disyembre 23 umano nang umalis ang pamilya ng biktima upang magbakasyon, pilit umano nitong isinasama ang ama ngunit nagpaiwan ito at solong nagdiwang ng Pasko sa kanilang tahanan.
Nang bumalik umano ang pamilya noong Disyembre 27 ay dito na nadiskubre ang katawan ng biktima. Agad itong iniulat ng pamilya ng biktima sa pulisya.
Kumbinsido umano ang mga ito na sadyang nagpakamatay ang biktima at tumanggi nang imbestigahan ang nangyaring insidente.